Madaraanan na simula ngayong araw ang apat na lanes sa northbound lane ng Marilao Interchange Bridge sa Bulacan matapos itong mapinsala ng isang overloaded na truck.
Kasunod nito, nagpasalamat si Department of Transportation (DOTr) Sec. Vince Dizon sa pamunuan ng NLEX Corporation dahil sa mabilis na pag-aksyon.
Mula aniya kasi sa dalawang linggong orihinal na timeline, nagawa ng NLEX na matapos ang pagkukumpuni sa nasabing tulay sa loob lamang ng isang linggo.
Ayon sa DOTr, magbabalik na sa normal ang biyahe ng mga commuter at motorista at mabibigyan na rin sila ng pagkakataon na makarating nang maaga sa kanilang destinasyon upang makapiling ang kanilang pamilya.
Patunay lamang ito ani Dizon ng commitment at dedikasyon ng DOTr at ng NLEX Corp na kagyat na tumugon sa mga suliranin gaya nito upang maibigay ang maginhawang biyahe para sa mga Pilipino. | ulat ni Jaymark Dagala