Binigyang diin ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat magkaroon ng mabilis at masusing imbestigasyon tungkol sa kaso ng pagpaslang sa isang Slovakian tourist sa Boracay.
Ayon kay Gatchalian, ang ganitong insidenteng may kaugnayan sa kaligtasan ng mga turista ay nagdudulot ng reputational damage sa Pilipinas, at maaaring makapigil sa iba na bumisita sa ating bansa.
Kaya naman kailangan aniyang gawin ng mga pulis at ng lokal na pamahalaan ang lahat para maresolba ang kaso, mapanagot ang mga may sala at maibigay kaagad ang hustisya.
Iginiit ng senador, na ngayong panahon ng tag-init kung kailan inaasahang dadagsa ang mga dayuhan at lokal na turista, ay mahalagang tiyakin ng gobyerno ang kanilang kaligtasan at seguridad.
Ito lalo na aniya’t ang pagpapanatili ng kaligtasan sa mga tourist spot sa bansa ang susi sa masiglang turismo, at pag-angat ng lokal na ekonomiya ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion