Sa pagdiriwang ng National Women’s Month, binigyang pugay ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga kababaihang magsasaka para magkaroon ng pagkain sa hapag-kainan at mapanatili ang pagsasama ng bawat pamilyang magsasaka.
“Walang sino man ang maaaring maliitin ang mga sakripisyo ng ating kababaihang magsasaka. Madalas, sila ang gumagawa ng mabibigat at hindi karaniwang trabaho, ngunit hindi naman nabibigyan ng karampatang pagkilala,” pahayag ni Estrella sa pakikiisa ng DAR sa pagdiriwang ng National Women’s Month.
Kasunod nito, tiniyak ng kalihim na maraming proyektong pangkabuhayan ang inilalatag ng DA na ang pangunahing makikinabang ay kababaihan.
Kabilang dito ang inilunsad na kamakailan na Value-Chain Innovation for Sustainable Transformation in Agrarian Reform Communities (VISTA), na isang P6.2-bilyong proyekto na layong lutasin ang ugat ng kahirapan sa kanayunan at lumikha ng oportunidad pangkabuhayan para sa 70,000 maliliit na pamilyang magsasaka.
Ayon sa kalihim, malinaw na isinusulong ng proyektong ito ang pagpapalakas ng kababaihan sa Pilipinas.
Ipinagmalaki rin ni Estrella ang makabagong hakbang ng DAR sa pagtanggap sa pantay na pagmamay-ari ng kababaihan sa mga lupang agraryo.
Sa halip na ituring ang mga asawa ng magsasaka bilang simpleng “married to” sa Certificates of Land Ownership Award (CLOA), itinuturing na ngayon ang mag-asawa bilang ‘spouses” o co-owners, alinsunod sa Republic Act No. 9710 o “Magna Carta for Women.” | ulat ni Merry Ann Bastasa