Inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang dalawang proyekto na nagkakahalaga ng ₱70.6 billion.
Ayon sa NEDA, ito ay matapos ang ika-25 pagpupulong ng Board nito kahapon, March 19 na inaasahang makatutulong sa mga komunidad sa bansa gayundin sa pagpataas ng produksyon ng mga magsasaka sa lalawigan ng Isabela.
Kabilang sa mga inaprubahan ay mga proyekto para sa paglaban sa climate change gayundin sa pagpapaunlad ng irigasyon sa lalawigan.
Nabatid na aabot sa 4.13 milyong pamilya ang makikinabang sa unang proyekto buhat sa 500 bayan para sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga inisyatiba kontra climate change.
Sunod naman ang Tumauini River Multipurpose Project na siya namang magbibigay ng irigasyon sa 8,200 ektaryang sakahan sa 32 barangay sa Isabela gayundin sa mga bayan ng Tumauini, Cabagan, at Ilagan. | ulat ni Jaymark Dagala