Opisyal nang nagsimula ngayong araw ang pagdiriwang ng Tambobong Festival 2025 sa Lungsod ng Malabon.
Sinimulan ito sa pamamagitan ng makulay at makasaysayang Tambobong Festival Float Parade na pinangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval.
Tampok rito ang engrandeng parada ng humigit-kumulang 20 magagarbong float na sumasalamin sa mayamang kasaysayan, kultura, at tradisyon ng Malabon.
Kasabay nito ang pag-indak ng mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa lungsod.
Ipiprisinta rin ang mga kandidato ng Ginoo at Binibining Malabon mula sa 21 barangay sa lungsod.
Ang pagdiriwang ng kapistahan sa Malabon ay mula sa dating tawag sa Lungsod na Tambobong dahil sa dami ng mga puno ng tambo sa bayan.
Sagana rin ito sa labong na isa sa mga orihinal na sangkap ng pancit Malabon.
Ayon kay Mayor Jeannie Sandoval, ang pagdiriwang ng Tambobong Festival ay paalala sa mga Malabueño ng mayamang kasaysayan, tradisyon, at kultura.
Sa pagtaya ng local government, nasa 2,000 katao ang makikiisa sa float parade na naglibot mula sa Malabon National High School patungong Malabon Sports Complex.
Magpapatuloy naman ang selebrasyon para sa Tambobong Festival sa Malabon Sports Center mamayang hapon kung saan magpapakitang gilas ang mga eskwelahang pasok sa Ritmo ng Malabon. | ulat ni Merry Ann Bastasa