Sinampahan ng kasong graft o katiwalian at pag-abuso sa kapangyarihan sa Office of the Ombudsman si dating Malabon mayor Antolin Oreta III dahil sa umano’y mga nawawalang units ng e-trike na umaabot sa halagang P22.4 milyon.
Nag-ugat ang kaso sa sumbong ng isang tricycle driver na umano’y hindi naipamahagi nang tama ang 175 e-trike na bigay ng Department of Energy (DOE) sa lungsod noong 2019.
Batay sa reklamo sa Ombudsman ng tricycle driver na si Romeo Dimaunahan ng Barangay Longos, Dagat-dagatan, Malabon City, 42 sa 175 unit ng e-trike ang nawawala at hindi malinaw kung saan napunta.
Sa dokumento mula sa General Services Department (GSD), sa orihinal na bilang ng e-trike ay 125 unit ang dapat mapunta sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) habang ang 50 units ay gagamitin sa “Tricycle Tours” ng Malabon Tourism Office.
Subalit nang silipin ang records, 133 unit lamang ang nabigyan ng tamang papeles at hindi na mahanap ang 42 pang unit ng e-trike.
Batay pa sa reklamo, bawat e-trike ay nagkakahalaga ng P533,000 kaya umaabot sa P22.4M ang nawawalang 42 unit. | ulat ni Merry Ann Bastasa