Isang karangalan na panibagong Pilipino na naman ang namamayagpag sa international stage, partikular sa Miami Open, o ang annual professional tennis tournament na ginaganap ngayon sa Florida..
Pahayag ito ni Communications Undersecretary Claire Castro, matapos matalo ni Alex Eala sa quarterfinals si Iga Swiatek, na ikalawa, at 5-time grand slam champion sa larangan ng tennis.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng opisyal na ipinagmamalaki ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ng Malacañang ang panibagong tagumpay na ito ng mga Pilipino.
“Isa po ito sa napakalaking tagumpay ng isang Pilipino. Ang Malacañang, ang pangulo ay ipinagmamalaki ang katulad ng mga Pilipino na nagbibigay ng karangalan sa Pilipinas.” -Usec Castro
Nagpaabot rin ng pagbati ang Palasyo kay Eala.
Aniya, hindi pa dito natatapos ang pasasalamat ng gobyerno sa Filipino tennis sensation at sa iba pang Pilipino na patuloy na inuukit ang pangalan ng Pilipinas sa mga pandaigdigang patimpalak.
“So, congratulations sa ating kababayan, at hindi pa dito nag tatapos ang pasasalamat natin sa ating mga kababayan na nagbibigay karangalan sa Pilipinas.” -Usec. Castro
Dahil sa pagkakapanalo ni Eala kontra kay Swiatek, sigurado na ang pwesto nito sa Top 100 ng Women’s Tennis Association (WTA). | ulat ni Racquel Bayan