Kinumpirma ni Senate President Chiz Escudero na nag-abiso sa kanila ang Malacañang kaugnay ng pag-iinvoke ng executive privilege sa ginanap na pagdinig ng Senate hearing kaugnay ng naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang sa naging pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, na pinamumunuan ni Senadora Imee Marcos noong Marso 20, ay giniit ni Justice Secretary Boying Remulla ang executive privilege nang matanong tungkol sa naging pag-uusap ng mga miyembro ng Gabinete at ni Pangulong Marcos noong Marso 10 kaugnay ng natanggap nilang impormasyon na may arrest warrant nang lalabas laban kay Duterte.
Ayon kay Escudero, sumulat sa kanya at kay Senadora Imee si Executive Secretary Lucas Bersamin tungkol sa executive privilege.
Sa naturang liham, pinunto na sa ilalim ng executive privilege ay maaaring panatilihing kumpidensyal ng Malacañang ang laman ng pag-uusap ng Pangulo at mga miyembro ng kanyang Gabinete.
Sinang-ayunan naman ni Escudero ang legalidad ng paggiit ng executive privilege, batay na rin aniya sa isang desisyon ng Korte Suprema.
Ang binigyang-diin lang ng Senate leader ay hindi aniya dapat gawing dahilan ang executive privilege para hindi dumalo ang mga miyembro ng Gabinete sa pagdinig ng Senado. | ulat ni Nimfa Asuncion