Positibo ang Malacañang na magdudulot ng pagbaba sa presyo ng mga bilihin ang mas maikli nang biyahe mula CAVITEX patungong SLEX.
Kasama na dito ang bigas mula CALABARZON at iba pang mahahalagang produkto.
Sa pulong-balitaan sa Malacañang, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na dahil sa mas maikling oras at mas mabilis nang biyahe ay liliit ang gas consumption ng mga motorista kasama na ang mga biyahero ng kalakal.
Magreresulta aniya ito sa mas mababang gugulin sa transportasyon.
At bunsod ng inaasahang pagbaba ng gastusin sa pagta-transport ng mga produkto, posible, ani Castro, itong magresulta kahit bahagyang pagbaba sa presyo ng bilihin sa mga pamilihan.
Nitong nakaraang linggo, personal na nagsagawa ng inspeksyon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ginagawang construction ng Cavite-Laguna Expressway Subsection-3 na target buksan sa ikatlong quarter ng taong ito. | ulat ni Alvin Balatazar