Nagpaalala ang Malacañang sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang uniformed personnel na dapat manatiling impartial at non partisan sa gitna ng ingay politika sa bansa.
Pahayag ito ni Communications Undersecretary Claire Castro, makaraang mag-viral ang isang police vlogger na tahasang nagpahayag ng kaniyang pagtutol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng opisyal na kahit sino namang pangulo ay magugulat sa sinabi ng police personnel.
Sa ginawa aniya nitong pagpanig, mayroon na siyang nagawang paglabag.
“Kahit sino naman po sigurong pangulo ay mabibigla po sa tinuran ng sinasabing official – uniformed personnel. Alam po natin na kapag uniformed personnel dapat po impartial at non-partisan – so, doon pa lamang po ay may violation na po siya.” -Usec. Castro
Ayon sa opisyal, kung ano man ang nararapat na disiplina o parusa dito ay dapat na ibigay nang naaayon sa batas.
“So, kung ano po iyong nararapat na kung mayroon man pong pagdidisiplina o parusa ay siguro dapat lang pong ibigay kung naaayon po sa batas.” -Usec. Castro
Kung matatandaan, una nang sinabi ni Usec. Castro, na ang mga pahayag na nananawagan na ng panggugulo ay hindi palalampasin ng Palasyo.
“Kung ito ay isolated case, kapag may mga ganito po at talaga pong nananawagan ng panggugulo, hindi po talaga ito palalagpasin ng Palasyo.” -Usec Castro | ulat ni Racquel Bayan