Photos courtesy of Taft MDRRMO, DPWH8, & Brgy. Payao, Villaba FB page
Malawakang pagbaha at landslide ang naitala at patuloy na nararanasan sa Eastern Visayas dahil sa walang humpay na mga pag-ulan mula pa kahapon na epekto ng shear line.

Sa Eastern Samar, nagdeklara na ng suspensiyon ng klase at pasok sa lahat ng ahensya ng gobyerno si Gov. Ben Evardone ngayong umaga, March 20, 2025.
Ayon sa DPWH-8, hindi na madaraanan ng lahat ng uri ng sasakyan na papasok at palabas ng Eastern Samar ang Wright-Taft-Borongan Road dahil sa baha sa Brgy. Malinao at Mabuhay sa bayan ng Taft.
Samantala, ang Bagahupi-Babatngon-Sta. Cruz-Barugo-Carigara Road sa Brgy. Pinarigusan, Babatngon, Leyte ay hindi rin madaanan dahil naman sa landslide na umabot sa 150cu.m at haba na 30 meters. Kasalukuyan nang nagsasagawa ng clearing operations ang DPWH.
Nakakaranas din ng power trip off ang ilang bahagi ng rehiyon dahil sa malakas na mga pag-ulan na minsan ay may dalang malakas na hangin.
Nagsasagawa ng kani-kanilang rescue operations ang mga LDRRMO katuwang ang BFP sa mga lugar na apektado ng baha.
Sa ngayong ay nasa red rainfall warning ang probinsya ng Leyte, Eastern Samar, Samar, at Southern Leyte, kung saan patuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan. | ulat ni Ma. Daisy Amor Lalosa-Belizar | RP Borongan
