Nanawagan si OFW party-list Rep. Marissa Magsino na huwag idamay ang mga OFW na nagtatrabaho lang para sa kanilang mga pamilya sa ingay politika.
“Bilang kinatawan ng ating minamahal na OFWs na nagsasakripisyong magtrabaho sa ibang bansa para sa kanilang pamilya, nananawagan ako sa pamahalaan at sa oposisyon na huwag gawing bahagi ng alitan sa politika ang ating mga migranteng manggagawa,” sabi ni Magsino.
Ito ang reaksyon ng mambabatas sa banta ng mga tagasuporta ni dating pangulong Rodrigo Duterte na zero remittance week at ang babala naman ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na maaaring alisan sila ng mga pribilehiyo ng Kongreso gaya ng tax incentives kung ito ay ituloy.
Giit ni Magsino, walang kulay ang pagsusumikap ng mga OFW.
Bilang mga Pilipino, malaki din aniya ang ambag nila sa ating bansa lalo na sa ekonomiya.
Kaya’t pakiusap niya na huwag na silang kaladkarin pa sa mga isyung pampulitika.
Mas nararapat aniya na pagtuunan ng pansin ang kanilang kapakanan at siguraduhin na ang kanilang boses, bilang mga Pilipino, ay marinig nang may respeto at katarungan.
Una nang nanawagan ang Malacañang sa ilang grupo ng OFW na maging mahinahon at isipin ang epekto nito para sa kanilang mga pamilya. | ulat ni Kathleen Forbes