“Politically motivated”
Ito ang sagot ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro makaraang ilagay siya at ang iba pang opisyal ng lungsod sa preventive suspension ng Ombudsman.
Ito ay dahil sa maling paggamit umano sa P130 milyong pondo ng lungsod na nakalaan sana para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa isang pahayag, sinabi ni Teodoro na ginawa ang naturang hakbang upang sirain ang kaniyang kandidatura sa pagka-Kongresista ng unang distrito ng Marikina.
Nilinaw din ni Teodoro, na sa kabila ng anim na buwang suspensyon na ipinataw sa kaniya at sa iba pang opisyal ng lungsod, mananatili siyang kandidato at hindi siya patitinag sa ano mang banta gayundin sa mga paratang na walang batayan.
Bukod kay Teodoro, suspendido rin sina Marikina City Vice Mayor Marion Andres, 13 konsehal at apat pang opisyal ng lungsod.
Sa kaniyang panig naman, sinabi ni Vice Mayor Andres na hinihintay pa nila ang opisyal na papel buhat sa Ombudsman at kanila aniyang gagamitin ang lahat ng lrgal na remedyo kaugnay ng usapin. | ulat ni Jaymark Dagala