Kumpiyansa ang Malacañang na ang pinaikling oras ng biyahe mula CAVITEX patungong SLEX ay magdudulot ng positibong epekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin, kabilang ang bigas mula CALABARZON at iba pang mahahalagang produkto.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Usec. Claire Castro na dahil sa mas mabilis na biyahe, mababawasan ang konsumo ng gasolina, na magreresulta sa mas mababang gastos sa transportasyon.
Aniya, magbebenepisyo rito hindi lamang ang mga mananakay kundi pati na rin ang mga negosyong nagdadala ng pagkain at iba pang pangangailangan.
Dahil sa inaasahang pagbaba ng gastusin sa paghahatid ng mga produkto, posible rin aniya itong magdulot ng bahagyang pagbaba sa presyo ng bilihin sa mga pamilihan.
“Well, anyway, if we can reduce the travel time, it will definitely also reduce the fuel consumption, and it will benefit all travelers and also those that will transport the food and other necessities. It will also go down, the price will also go down,” ani Usec. Castro.
Kung matatandaan, nitong nakaraang linggo, ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ongoing construction ng Cavite-Laguna Expressway Subsection 3, na target maisakatuparan sa ikatlong quarter ng kasalukuyang taon. | ulat ni Racquel Bayan