Nakatakdang maglabas ng mas mahigpit na panuntunan ang Department of Migrant Workers (DMW) para sa accomodation ng mga Household Service Worker (HSWs) sa ilalim ng mga lisensyadong Philippine Recruitment Agencies (PRAs).
Ayon kay Migrant Wokers Secretary Hans Leo Cacdac, kanilang ikinukonsidera ang housing standards ng Singapore para sa mga migrant worker upang tugunan ang nakalulungkot na kalagayan ng mga aplikanteng manggagawa.
Sa Singaporean standard kasi, sinabi ni Cacdac na 12 residente kada silid ang maaaring magsalo na may isang metrong distansya sa bawat kama at may mahigit tatlong metro kuwadradong lawak.
Kasunod nito, sinabi ni Cacdac na lalagyan din ng internet connection ang mga naturang pasilidad upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Household Service Worker na matawagan ang kanilang nawalay na pamilya.
Samantala, makikipag-ugnayan din ang DMW sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) upang ipagpalagay na human trafficking kung ang isang aplikante ay pagbawalang lumabas ng kanilang accomodation.
Kasunod nito, sinabi ni Cacdac na nasa 27 mula sa 33 accomodation ang tinanggal na sa listahan dahil sa paglabag sa panuntunan. | ulat ni Jaymark Dagala