Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at Department of Foreign Affairs (DFA) na magkasa ng masusing imbestigasyon kung paanong naloko ng mga kriminal ang mga kababayan natin, na magtrabaho sa isang scam hub na nagpapanggap na call center sa Cambodia.
Ang pahayag na ito ng senador ay kaugnay ng tatlong Pilipinong na-rescue mula sa isang scam hub sa naturang bansa.
Ayon sa mga biktima, binugbog at tinorture sila ng mga Chinese employer nila.
Kaugnay nito, hinimok rin ni Gatchalian ang Department of Migrant Workers (DMW) na tiyakin na ganap na mapoprotektahan mula sa pananamantala ng mga kriminal ang mga Pilipinong nagtratrabaho sa ibang bansa.
Umaasa rin ang mambabatas, na magsisilbing aral at babala rin ito sa mga kababayan natin na maging maingat at mapanuri sa mga alok na trabaho sa ibang bansa.
Giit ni Gatchalian, kailangang laging tiyakin na dumaan sa legal na proseso ang pag-aapply ng trabaho sa labas ng Pilipinas para hindi mahulog sa kamay ng mga kriminal. | ulat ni Nimfa Asuncion