Sa harap ng libu-libong tagasuporta sa Sampaloc, Manila, iginiit ni Mayor Honey Lacuna na hindi marapat maliitin ang mga pagbabagong naisakatuparan sa lungsod.
Ayon sa kanya, bagaman may mga hamon pa ring kinakaharap, hindi umano dugyot ang Maynila kundi isang lungsod na puno ng pag-asa at oportunidad.
Ito ang mga naging pahayag ni Lacuna matapos sabihin ng kanyang kalaban sa pagka-Mayor na si dating alkalde ng Maynila Isko Moreno na naging “dugyot” ulit ang lungsod, na tila patama sa kasalukuyang administrasyon.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin din ni Lacuna na mas mahalaga sa mga mamamayan ang trabaho at benepisyo kaysa sa mga pisikal na proyekto. Aniya, mas kailangan ng mga lolo at lola ang tulong-pinansyal kaysa sa materyal na ayuda, habang ang mga vendor sa Divisoria ay mas nagnanais ng kapanatagan sa kanilang hanapbuhay kaysa sa mga bagong regulasyon.
Dagdag pa niya, hindi niya hahayaan na masayang ang mga programa at serbisyong naipatupad sa kanyang unang termino. Hinimok din niya ang publiko na manatiling mapagmatyag at suportahan ang isang pamahalaang tapat at hindi tiwali. | ulat ni EJ Lazaro