Nais ni Senate President Chiz Escudero na magkaroon ng komprehensibong review sa mga batas at polisiya patungkol sa overloading ng trucks at trailers sa buong bansa.
Ito ay para malaman kung naipapatupad ang mga batas at polisiya kontra overloading matapos ang nangyaring pagbagsak ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela.
Ayon kay Escudero, dapat na malaman kung paanong nakadaan sa naturang tulay ang truck na may bigat na 102 na tonelada gayong nasa 45 na tonelada lang ang capacity nito.
Naniniwala ang mambabatas na hindi ito isolated case at maraming overloaded trucks ang nakakabiyahe nang hindi man lang nasisita o nahaharang.
Gusto rin ng senate leader na masilip kung may weighbridges sa mga kalye at tulay para malaman ang timbang ng mga dadaang truck.
Minumungkahi rin ni Escudero na dapat ipagbawal ang paglalagay ng anumang reinforcement sa mga truck para maiwasan ang overloading.
Kailangan rin aniyang mapanagot ang mga may-ari na pumapayag makabiyahe ang kanilang truck nang sobra ang timbang. | ulat ni Nimfa Asuncion