

Inaresto ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Amerikanong pugante na matagal nang wanted sa Estados Unidos dahil sa malakihang drug trafficking, kasunod ito ng kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang law enforcement cooperation at siguruhing hindi magiging taguan ng mga dayuhang kriminal ang Pilipinas.
Sa pag-arestong ginawa ng BI noong Marso 18 sa Albay, kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang suspek na si Henry Watkins, alyas “Tutu,” 51-anyos sa pamamagitan ng operasyon ng BI Fugitive Search Unit (FSU) katuwang ang pamahalaan ng Estados Unidos.
Si Watkins ay nasa listahan ng US Drug Enforcement Administration (DEA) dahil sa ugnayan umano nito sa Sinaloa drug cartel sa Central America. Inilabas ng U.S. District Court sa Northern Iowa ang warrant laban sa kanya noong Pebrero 26, kaugnay ng malakihang pagbebenta ng methamphetamine at heroin.
Bukod pa rito, sinasabing bahagi rin si Watkins ng ‘Devil’s Disciples’ motorcycle gang sa Chicago, Illinois, kung saan nagsisilbi siya bilang isang marahas na kolektor.
Samantala, iniulat din ng BI-FSU ang pagkakaaresto sa isang Egyptian national na si Bakhit Akram Mnayer Gouda, 37 anyos, sa Naga City noong Marso 19. Siya ay nahaharap sa kasong direct assault at oral defamation laban sa isang pulis, pati na rin sa paglabag sa Safe Spaces Act.
Ayon kay Viado, kapwa isinailalim sa deportation proceedings sina Watkins at Gouda. Aniya, hindi papayagan ng pamahalaan na maging kanlungan ng mga kriminal na banyaga ang Pilipinas. | ulat ni EJ Lazaro