Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development at ng National Council on Disability Affairs na hindi mahahadlangan ang paghahatid ng basic services sa persons with disabilities habang ginagawa ang unified identification system.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Elaine Fallarcuna, maaari pa ring maka-avail ng 20% discount, value-added tax exemption, at iba pang serbisyo ang PWDs habang lumilipat mula sa lumang ID tungo sa unified ID system.
Layon ng pagbuo ng unified ID system na matugunan ang illegal issuance, pagbebenta, at paggamit ng fake PWD IDs at mapahusay pa ang paghahatid ng basic services sa mahinang sektor.
Kailangang muling mag-aplay ang PWD para sa isang ID sa sandaling mabuo ang unified system, at magkakaroon ng 12-buwang transition period.
Sabi pa ni Asec. Fallarcuna, pasisimulan ang pilot test ng unified system mula Hulyo hanggang Disyembre sa 32 piling LGUs sa buong bansa.
Katumbas ito ng 200,000 persons with disabilities o 10% ng kabuuang populasyon ng PWDs hanggang Marso 7. | ulat ni Rey Ferrer