Nanawagan ang isang mambabatas sa Department of Agriculture na habulin at panagutin ang mga nagtitinda at supplier ng karne ng baboy na hindi sumusunod sa itinakdang maximum suggested retail price (MSRP).
Ayon kay Representative Wilbert Lee, kailangan na mas maghigpit ang kagawaran sa pagpapatupad ng MSRP matapos may mga ulat na sumusobra pa sa ₱400 kada kilo ang retail price ng karne ng baboy, kahit bumaba na rin ang farmgate price nito.
Hindi aniya katanggap-tanggap na sa kabila ng atas ng DA ay mayroon pa ring nananamantala.
Batay aniya sa datos ng Agribusiness and Marketing Assistance Service ng DA, 20% lang ng 170 monitored stalls sa Metro Manila ang nakakatalima sa MSRP ng karne ng baboy.
Mungkahi ng kinatawan dalasan at lawakan ang market inspections at dagdagan ang Kadiwa kung saan makabibili ng murang karne na walang impluwensya ng mga mapagsamantalang traders at middlemen. | ulat ni Kathleen Jean Forbes