Isinusulong ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na magkasa ng isang Senate Inquiry tungkol sa mga insidente ng pag-collapse o pagbagsak ng ilang mga tulay sa iba’t ibang bahagi ng pilipinas.
Inihain ni Pimentel ang Senate Resolution 1319 kasunod ng pagbagsak ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela na kakabukas pa lamang.
Bukod dito, kabilang pa sa mga tinukoy ng Minority leader ang insidente ng pag-collapse ng Magapi Bridge sa Batangas noong October 2024; Carlos Romulo Bridge sa Pangasinan, at Borja Bridge at Loay-Clarin Bridge sa Bohol noong 2022; at iba pa.
Ayon sa senador, bilyong piso ang ginastos at ilang taon ang ginugol sa pagpapagawa ng mga tulay na ito pero nabalewala lang dahil mabilis lang ding bumagsak ang mga ito.
Binigyang-diin ni Pimentel na bukod sa napapahamak ang buhay at kaligtasan ng taumbayan, nagreresulta rin ang mga insidenteng ito ng kawalan sa ekonomiya at kwestiyon sa paggamit ng pondo ng bayan.
Kaya naman itinutulak ng mambabatas ang Senate Inquiry para magkaroon ng accountability mula sa mga sangkot na publc officials at contractors at makapagrekomenda ng mga polisiya o panukalang batas para matiyak na ligtas at matibay ang mga itatayong tulay sa buong bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion