Sa pagwawakas ng banal na buwan ng Ramadan, maagang nagtipon ang mga kapatid nating Muslim sa isinagawang pagdarasal para sa Eid’l Fitr ngayong araw, Marso 31, 2025, sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT).
Ito ay bilang pagdiriwang sa pagtatapos ng isang buwang pag-aayuno at pagsamba sa Ramadan.
Inorganisa ito ng MSU-IIT katuwang ang isang Muslim organization na Al-Jalis As-Salih, Inc.
Ayon kay MSU-IIT Chancellor Prof. Atty. Alizedney Ditucalan, hindi niya inaasahan na malaki ang bilang ng mga dumalo sa naturang aktibidad.
Matatandaan namang kinumpirma ni Bangsamoro Mufti Abdulrauf Guialani, na gaganapin ang pagdiriwang ngayong araw matapos mamataan ang bagong buwan kagabi.
Kaugnay nito, idineklara naman ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na non-working Holiday sa buong rehiyon ngayong araw.
Una na ring inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na Holiday sa buong bansa bukas, Abril 1, 2025. | ulat ni Sharif Timhar, Radyo Pilipinas Iligan