Humaba pa lalo ang listahan ng kuwestyonableng mga pangalan na umano’y binayaran gamit ang confidential funds ng Department of Education (DepEd) noong pinamumunuan pa ito ni Vice President Sara Duterte.
Isiniwalat ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega na matapos ang sitsirya, prutas, root crop, brand ng cellphone, at limang Dodong, ay natukalasan naman ang “Team Amoy Asim.”
Sa patuloy na pagsusuri ng Kongreso sa listahan ng mga nakatanggap ng confidential funds sa DepEd, lumitaw ang mga pangalang “Amoy Liu,” “Fernan Amuy,” at “Joug De Asim.”
Ang tatlong ito ay wala ring record ng kapanganakan, kasal o kahit kamatayan sa database ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Bagay aniya na nagdudulot ng malaking kuwestyon sa pagiging lehitimo ng paggamit ng pondo.
“Una, may chichirya, may cellphone, at may prutas. Sumunod ang ‘Dodong Gang.’ Ngayon naman, nandito na ang ‘Team Amoy Asim.’ Kung sa listahan pa lang ay maasim na ang dating ng pekeng mga pangalan, paano pa kaya sa mga transaksyon mismo?” ani Ortega.
Una nang lumabas sa pagdinig ng House Blue Ribbon Committee na sa 677 na benepisyaryo ng confidential fund ng DepEd, batay sa isinumite nilang listahan sa Commission on Audit, 405 dito ang walang record ng pagkakakilanlan.
Sa dami ng mga kakaiba at kakatuwang pangalan, naniniwala ang mambabatas na hindi ito simpleng kapabayaan bagkus ay sadyang pineke ang mga pangalan sa liquidation.
“Anong klaseng payroll ito? Lahat ng pangalan ay parang gawa-gawa lang. Imposible ang ganito kung sumusunod sa tamang proseso. Kahit anong pagtatago ang gawin, aalingasaw at aalingasaw lahat ng mga ito,” saad pa niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes