Tuloy-tuloy ang paghimay at pag-aaral ng House prosecution panel sa mga dokumento kaugnay sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at ng DepEd sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara Duterte.
Ito ang tinuran ni Batangas Rep. Gerville Luistro, isa mga prosecutor na nakatoka sa usapin ng confidential fund kasunod ng pinakahuling mga kuwestyonableng pangalan na tinaguriang “Team Amoy Asim” na binayaran umano gamit ang confidential funds.
Aniya, patuloy nilang bineberipika ang mga pangalan na nasa listahang isinumite ng OVP at DepEd sa Commission on Audit.
“Tuloy-tuloy po ang pagihimay at pag-aaral ng mga dokumento about the unusual names na nagamit in the utilization of confidential funds in addition to the trending Mary Grace Piattos, pero continuous po ang ating pagbeberipika na mga dokumento which supports the supposed utilization of confidential funds,” saad ni Luistro.
Sa kabila nito ay wala pa naman ani Luistro na mga bagong testigo silang nakakausap.
Nakatutok aniya sila ngayon sa mga ebidensya na kanilang nakalap sa naging pagdinig ng House Blue Ribbon Committee.
Pag-uusapan pa aniya nila sa prosekusyon kung kakailanganin ng dagdag na testigo bukod sa mga humarap na sa pagdinig ng naturang komite.
“We have not met with our potential witnesses and we are focusing still with the evidence which we have gathered so far during the Blue-Ribbon Committee hearing. Doon pa lang kami sa aming mga ebidensyang na-gather na during the Blue-Ribbon Committee hearing. I don’t know if there will be additional witnesses apart from those who testified already during the hearing in the Good Government Committee but we will be looking into that,” pagbabahagi ni Luistro. | ulat ni Kathleen Forbes