Itinanggi ng mga miyembro ng gabinete na pinagplanuhan at nakipag-ugnayan sila sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, iginiit ni Justice Secretary Boying Remulla na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas bilang isang estado.
Gayunpaman, mayroon pa rin itong hurisdiksyon sa mga indibidwal na akusado ng paglabag sa anumang International Humanitarian Law.
Pinaliwanag ni Remulla na may obligasyon pa rin ang Pilipinas sa ilalim ng International Humanitarian Law at sa bisa ng Republic Act 9851 na iharap ang sinumang may kaso sa International Tribunal.
Ipinahayag rin nina Defense Secretary Gibo Teodoro at National Security Adviser Eduardo Año na hindi nila umasiste o tumulong sa imbestigasyon ng ICC.
Nilinaw rin nina año at DILG Secretary Jonvic Remulla na walang maagang pagpaplano o grand conspiracy sa naging pag-aresto kay Duterte at nalaman lang rin nila ang warrant laban sa dating Pangulo noong March 11, o ang mismong araw na inaresto ito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion