Pasok sa itinakdang maximum suggested retail price (MSRP) ang bentahan ng karneng baboy at bigas sa Mega Q Mart.
Na-monitor ito nina Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. at Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina A. Roque sa kanilang isinagawang joint market monitoring ngayong umaga.
Sa pag-iikot ng kalihim, nakita na maraming stall ang nagtitinda ng pige at kasim na nasa P350 kada kilo habang ang presyo naman ng liempo ay aabot sa P380 kada kilo.

Nasusunod din ng ilang rice retailers ang MSRP sa bigas na ibinaba na sa P45 para sa imported rice.
Ayon din sa kalihim, stable ang presyuhan ng galunggong maging ng manok sa Mega Q Mart.

Sinabi naman ng kalihim na sa tulong ng DA Bantay Presyo ay araw-araw na tututukan pa rin ang bentahan sa mga palengke sa Metro Manila, para matiyak na hindi ito inia-adjust tuwing may nag-iikot lamang na opisyal. | ulat ni Merry Ann Bastasa