Iginiit ni Batangas Rep. Gerville Luistro na hindi retaliation o pagganti ang dapat na tugon sa mga OFW na nais makibahagi sa Zero Remittance Week.
Ang naturang hakbang ay ikinakasa ng ilang OFW groups sa Europa bilang suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nakakulong ngayon sa Netherlands.
Sabi ni Luistro, mas mainam na ipaintindi sa mga OFW na legal ang pag-aresto sa dating Pangulo at kung bakit nga ba umabot sa pagkakaroon ng kaso dahil sa isyu ng extrajudicial killings sa kaniyang war on drugs.
Hindi aniya tayo dapat magpadalos-dalos at palaging isaisip ang malaking kahalagahan ng mga OFW, hindi lang sa ekonomiya ng Pilipinas kundi lalo na para sa mga pamilyang kanilang iniwan dito para makapaghanapbuhay. | ulat ni Kathleen Forbes