Hindi na dapat maulit ang naranasang power outage o pagkawala ng kuryente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ang binigyang-diin ni Senador Sherwin Gatchalian kaugnay ng naranasang power outage sa lahat ng tatlong terminal ng NAIA nitong linggo.
Ayon kay Gatchalian, ang pagkawala ng kuryente sa ating mga paliparan ay nagdudulot ng flight delays at grabeng abala sa mga byahero.
Kaya naman pinatitiyak ng senador sa Department of Transportation (DOTr) at Manila International Airport Authority (MIAA) na maiiwasan na ang ganitong pangyayari sa NAIA terminals.
Dapat aniyang masusing naiinspeksyon ang lahat ng mga airport facilites, lalo na ang mga power installations, para masiguro ang operability ng mga ito.
Binigyang-diin ng senador na mas lalong mahalaga ito ngayong inaasahang tataas ang demand sa kuryente ngayong panahon ng tag-init.
Iginiit rin ni Gatchalian na dapat magkaroon ng maaasahang backup power supply ang mga paliparan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion