Naglabas na ng mga panuntunan ang Energy Regulatory Commission (ERC) hinggil sa paniningil at pamamahagi ng Green Energy Auction Allowance (GEA-ALL) Fund.
Ito ang suplay ng kuryente na nagmumula sa renewable energy gaya ng solar, hydro, wind at geothermal sa ilalim ng Renewable Energy Payment Agreement (REPA).
Isinapinal ng ERC ang naturang panuntunan matapos ang serye ng konsultasyon sa Luzon, Visayas, at Mindanao na layong tiyakin ang patas at tamang paniningil ng Green Energy Auction suppliers sa on-grid consumers.
Sinabi pa ng ERC na bagaman kapwa sinusuportahan nito ang renewable energy, magkaiba ang panuntunan para sa GEA-All Fund sa Feed-In-Tariff Allowance (FIT-All) Fund.
Nababayaran ng FIT-All ang renewable energy supply sa ilalim ng FIT Program habang ang nasisingil na GEA-All funds naman napupunta sa mga developer sa ilalim ng Green Energy Auction Program (GEAP). | ulat ni Jaymark Dagala