Inilabas na ngayong araw ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon ang ikalawang tranche ng tulong pinansyal sa ilalim ng Malabon Ahon Blue Card (MABC) Program para sa taong 2025.
Ayon kay Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, ito na ang ika-10 tranche ng tulong mula nang ilunsad ang MABC Program noong 2022.
Batay sa ulat ng Monitoring, Evaluation, Accountability, and Learning (MEAL) Office, may kabuuang 86,674 MABC holder ang unang batch ng mga benepisyaryo na tatanggap ng pangalawang ayuda.
Makakatanggap muna ng text message ang MABC holder mula sa Universal Storefront Services Corporation (USSC) bago ma-claim ang cash assistance.
Makikita rin sa MABC facebook page ang link ng mga listahan ng
kwalipikadong benepisyaryo.
Simula ngayong araw, maaari nang mag-withdraw ang mga residente ng kanilang cash aid sa anumang bancnet-powered ATM o sa alinmang sangay ng USSC sa buong bansa. | ulat ni Rey Ferrer