Mananagot ang mga responsable sa pag-collapse o pagguho ng Cabagan–Santa Maria Bridge sa Isabela noong ika-27 ng Pebrero.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Usec. Claire Castro na nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkaroon ng malalimang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang mga opisyal na involved sa konstruksyon ng tulay na dapat managot sa insidente.
“Hindi lamang po ang [mga opisyal ng] nakaraang administrasyon ang puwedeng panagutin dito. Lahat po [ng mga opisyal] hanggang sa ngayon na maaaring may liability dito kung mayroon man, ay dapat managot,” —Pangulong Marcos.
Lumalabas kasi aniya sa paunang imbestigasyon na poor maintenance at structural underdesign ang nakikitang sanhi ng insidente.
“Ang sabi po ay nagkaroon po ito [ng problema] dahil sa mga earthquakes. Sa tagal ng panahon, hindi na siya naging matibay at kailangang i-retrofit sa panahon po ngayon. Ang nakikita po so far ay nagkaroon ng under design,” —Usec. Castro.
Base aniya sa pakikipagpulong sa DPWH, maaari ring managot ang kumpanya o korporasyon na nagmamay-ari ng dump trucks.
“Noong dumaan [ang mga trak] hindi naging maayos dahil mga heavy vehicles ito na hindi po naaayon doon sa kakayanan ng tulay,” —Usec. Castro.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pamahalaan hinggil sa insidente.
Ang Cabagan–Santa Maria Bridge ay nagsimulang itayo noong Nobyembre 2014, at nagkakahalaga ito ng PHP 1.22 bilyon. | ulat ni Racquel Bayan