Hindi pabor ang mga senador sa mungkahing suspendihin ang tax privilege ng mga OFW sa gitna ng banta ng ilan na zero-remittance o huwag munang magpadala sa Pilipinas bilang protesta sa ginawang pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian, hindi siya sang-ayon dito dahil paraan ito ng pagkilala sa pagsisikap at sakripisyo ng mga OFW para sa bansa.
Bukod dito ay malaking bagay rin ang OFW remittances sa pagpapanatiling matatag ng ekonomiya ng ating bansa.
Pinahayag rin ni Gatchalian na dapat payagan ang mga OFW na ipahayag ang kanilang opinyon at sentimyento sa pamamagitan ng mga legal na paraan nang walang banta ng paghihiganti mula sa kongreso.
Sinabi rin ni Senadora Imee Marcos na hindi rin tama ang gantihan.
Giit ni Senadora Imee, hindi sila dapat banatan ng tax lalo’t ang mga OFW ang bumubuhay sa ekonomiya ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion