Kapwa pinabulaanan nina 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan at 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez ang pahayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na may natatanggap na milyong pisong pondo para sa social amelioration ang mga kongresista kapag sumasama sa mga out of town na aktibidad ng House Speaker.
Pinasinungalingan din ni Libanan na ginagamit bilang election fund ang 2025 national budget.
Paalala ni Libanan, hindi hawak ng mga kongresista at lalong wala silang kontrol sa pondo ng AKAP, AICS at TUPAD.
“Sa experience ko po ay wala akong ganyan na nakikita at wala po akong ganyan na na-experienced. Yung sinasabing 2025 na iyong GAA ay election funds, lahat ng disbursements hindi po nakikialam ang mga pulitiko. Sa mga distribution ng social services bawal po ang mga pulitiko magpunta roon. Iyan ay strictly na in-implement po ngayon,” paliwanag ni Libanan.
Sabi pa niya, bilang House Minority leader wala rin siyang naririnig mula sa mga kasamahan sa minorya na nakatanggap ng pondo.
“In addition to that, I am the leader of the minority and they have not received any report of the minority. Any member of the minority telling me na mayroong ganung mga 7 AICS, 7 AKAP wala po akong narinig na ganyan,” diin niya.
Pinatotohanan ito ni Gutierrez, na sinabing hindi siya nakakakuha ng anumang budget.
Giit pa niya, lahat ng pondo para sa social amelioration ay hawak at ipinapatupad ng national government agencies.
“I’m not part of the leadership. I am a regular member of this House, but just to answer anecdotally, I don’t think I’ve had the experience that would answer that question in the affirmative,” ani Gutierrez.
Payo ni Libanan na kung may kuwestyon sa pondo ay idulog ito sa korte at pasagutin ang Kamara. | ulat ni Kathleen Forbes