Lumagda ng isang Memorandum of Agreement ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan para sa neighborhood upgrading project sa tabi ng San Juan River sa Brgy. Batis.
Sa ilalim ng naturang kasunduan, pagagandahin ang linear park sa lugar gamit ang nature-based solutions gaya ng paglalagay ng rain gardens, rainwater cisterns, at filtration systems na nakadisenyong mangolekta ng tubig-ulan.

Bukod sa Linear Park, iminungkahi rin ng MMDA ang pagtatayo ng Sewage Treatment Plant at mechanized trash traps na bahagi ng pagpapaganda at pagpapaunlad sa lugar.
Ayon kay MMDA Chairperson, Atty. Don Artes, layon nito na matugunan ang nararanasang pagbaha sa lugar at magkaroon din ng mga kapaki-pakinabang na solusyon para sa komunidad dito.

Nagpasalamat naman si San Juan City Mayor Francis Zamora sa MMDA sa paglilinis at pagpapaganda sa bahaging ito ng kanilang lungsod. | ulat ni Jaymark Dagala
