Pinayagan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga babaeng may asawa na gamitin muli ang kanilang apelyido sa pagkadalaga sa kanilang pasaporte sa ilalim ng New Philippine Passport Act o Republic Act No. 11983.
Ayon sa anunsyo ng DFA-Office of Consular Affairs, maaaring na ngayong magbalik sa kanilang maiden name ang mga babaeng may asawa sa oras ng pag-renew ng pasaporte — ngunit isang beses lamang ito maaari ayon sa batas.
Batay sa Seksyon 5(f) ng nasabing batas, kinakailangan lamang magprisinta ng PSA-authenticated birth certificate, kasabay ng iba pang dokumento na nagpapakita ng pare-parehong paggamit ng maiden name sa iba pang valid IDs.
Para naman sa mga nais magbalik sa kanilang maiden name dahil sa kamatayan ng asawa, annulment, legal separation, o judicially recognized foreign divorce, kailangan magpasa ng karampatang dokumento tulad ng PSA-issued Certificate of Death o annotated marriage certificate.
Kabilang sa mga kinakailangang isumite ang notarized affidavit of explanation, na maaaring i-download mula sa website ng DFA-OCA.
Para sa kumpletong impormasyon at affidavit template, bisitahin ang kanilang opisyal na website sa https://consular.dfa.gov.ph. | ulat ni EJ Lazaro