Obligasyon ni Vice President Sara Duterte na magpaliwanag tungkol sa bagong pagbubunyag hinggil sa umanoy isa pang grupo na nakinabang sa Confidential Fund ng Office of the Vice President (OVP).
Kaugnay ito ng naging rebelasyon ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega hinggil sa tinagurian nitong “Team Amoy Asim” na aniya’y nadagdag sa listahan ng mga recipient ng confidential funds mula sa OVP.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, kailangang magsalita ng Bise Presidente kaugnay sa bagong nadiskubreng impormasyon.
Marami na ani Castro ang naglipanang impormasyon na may kinalaman sa pekeng resibo na sinasabing naisyu ng Tanggapan ng Ikalawang Pangulo.
Yamang kay VP na din nanggaling na mas maiging may transparency ay makabubuting maipaliwanag na nito, sabi ni Castro, ang bagong nabunyag na impormasyon kasunod ng nauna na umanong pag-iisyu ng Confidential Fund na katunog naman ng mga kilalang chichirya. | ulat ni Alvin Baltazar