Inaprubahan ng National Innovation Council (NIC) ang pagbuo ng isang technical group na magsisilbing think tank upang pag-aralan ang kasalukuyang estado, kakayahan, at hinaharap ng artificial intelligence (AI) sa bansa.
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), ang grupong ito ay binubuo ng mga eksperto mula sa industriya, akademya, at pamahalaan.
Layunin nitong magbigay ng mahahalagang pananaw upang gabayan ang gobyerno sa pagbuo ng mga polisiya para sa AI adoption at development sa Pilipinas.
Ayon sa pag-aaral ng Google & Access Partnership noong 2023, maaaring makalikha ang AI ng P2.8 trilyong halaga sa ekonomiya taon-taon pagsapit ng 2030, na magpapalakas sa global competitiveness ng bansa.
Itinalaga ng NIC ang Department of Science and Technology (DOST) bilang lead agency ng AI think tank upang magsagawa ng masusing pag-aaral sa epekto at potensyal ng AI sa iba’t ibang sektor. Kasabay nito, inaprubahan din ng NIC ang bagong guidelines para sa 2025 Innovation Grants, na naglalayong suportahan ang mga makabagong proyekto sa agrikultura, kalusugan, edukasyon, enerhiya, at iba pa.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, whole-of-government at whole-of-society approach ang kinakailangan upang matiyak na ang AI at iba pang inobasyon ay tunay na magpapalakas sa kinabukasan ng Pilipinas. | ulat ni EJ Lazaro