Aminado ang National Bureau of Investigation (NBI) na malaki ang naitulong ng Interpol sa pagkaka-rescue ng tatlong Pilipino na naloko na maging scammer sa Cambodia.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, patunay ito ng pakinabang ng Pilipinas sa Interpol na una nang binanggit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos maaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang nagpasaklolo ang tatlong Pilipino sa Cambodia matapos silang gulpihin ng mga nag-recruit sa kanila, at sabihang sila ay magiging mga empleyado ng isang call center doon.
Subalit nang kanilang malaman na sila ay gagawing scammer ay hindi sila pumayag, dahilan kaya nakaranas umano ng pangto-torture ang mga naturang Pilipino mula sa mga Chinese sa scam farm sa Cambodia.
Nang makarating sa NBI ang panawagan ng mga Pinoy ay agad nakipag-ugnayan ang ahensya sa Interpol at nagsagawa ng rescue operations.
Matagumpay namang naiuwi sa bansa ang tatlo kung saan iprinisinta ang mga ito sa media. | ulat ni Lorenz Tanjoco