Nagbabala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaugnay sa posibleng panganib ng matinding init kasunod ng paghina ng Northeast Monsoon o Amihan.
Ayon kay NDRRMC Executive Director at Office of Civil Defense (OCD) Administrator Usec. Ariel Nepomuceno, kailangang maging handa ang lahat dahil sa inaasahang patuloy na pagtaas ng heat index mula kalagitnaan ng Marso hanggang Mayo.
Sa inilabas na memorandum, inatasan ng NDRRMC ang mga ahensya at local disaster risk reduction management councils na tiyaking may sapat na proteksiyon at medikal na kagamitan para sa mga emergency.
Bilang pag-iingat, nagbigay din ang NDRRMC ng mga payo tulad ng pag-inom ng maraming tubig, pag-iwas sa labis na sikat ng araw, at paggamit ng sumbrero o payong kapag nasa labas.
Inirerekomenda rin ang pag-iwas sa tsaa, kape, soft drinks, at alak na maaaring magpalala ng dehydration.
Nanawagan naman ang NDRRMC sa publiko na makiisa sa kampanya ng Department of Health para maiwasan ang heat-related illnesses tulad ng heat stroke at heat exhaustion. | ulat ni Diane Lear