Hindi tatanggihan ng National Food Authority (NFA) ang aning palay ng mga magsasaka.
Ito ang tiniyak ni Communications Usec. Claire Castro matapos makipag-usap kay NFA Administrator Larry Lacson, kasunod ng ulat ng mga magsasaka sa Nueva Ecija na hindi pa nakakapamili ng palay ang NFA dahil puno pa ang mga bodega ng ahensya.
“Kinausap po natin si Usec. Larry Ignacio at ang sabi po niya ay wala naman daw pong bodega na punung-puno. At lahat po ng magbebenta na magsasaka, kailangan lamang pong pumila dahil peak season po ngayon at may mga magsasaka pong nauna nang nagpalista, kaya uunahin po lahat iyan,” ani Usec. Castro.
Sa press briefing sa Malacañang, nilinaw ng opisyal na hindi naman puno ang lahat ng bodega ng NFA.
“Kung kukulangin man daw po ang bodega, magre-rent po sila. Kaya lahat po ng magbebenta na magsasaka, kung sila po ay may pagkakataon na hintayin ang kanilang turn, bibilhin po ito ng NFA. Hindi po natin tatanggihan ang lahat ng ibinebenta ng mga magsasaka,” dagdag ni Usec. Castro.
Aniya, ipinaliwanag ni Lacson na sadyang marami lang ang ani ngayon dahil sa peak season. Ngunit kung hindi man kakayanin ng kanilang mga bodega, handang magrenta ang NFA.
Kaugnay naman sa pamimili ng ani, mayroon lamang aniyang mga naunang nagpalista na magsasaka na nagbenta na ng kanilang ani.
Ang palay ay binibili ng NFA sa halagang PhP19 kada kilo para sa fresh palay sa Regions I, II, at III, habang PhP18 naman sa ibang rehiyon.
Samantala, ang tuyong palay ay nagkakahalaga ng PhP24 kada kilo.
“At sinabi po sa atin, sa ngayon po, ang bilihan po kapag fresh ay PhP19 kada kilo sa Regions I, II, at III, habang PhP18 naman sa ibang rehiyon. Samantalang ang tuyong palay ay PhP24 kada kilo. Kaya kung may panahon po talaga ang ating mga magsasaka na pumila, bibilhin po ito sa ating NFA warehouse,” ayon kay Usec. Castro. | ulat ni Racquel Bayan