Hinikayat ni NFA Administrator Larry Lacson ang mga magsasaka sa Ilocos, Cagayan Valley, at Central Luzon na direktang ipagbili sa ahensya ang kanilang ani.
Ito kasunod ng desisyon ng NFA na itaas ang presyo ng pagbili sa P19 kada kilo para sa bagong aning palay sa mga naturang rehiyon.
Mula ito sa P18 kada kilo na pinakamababang bentahan para sa fresh at wet palay.
Para sa taong ito, kinakailangang bumili ang NFA ng 545,000 metriko tonelada ng palay upang mapanatili ang 9-day supply, at kabuuang 880,000 metriko tonelada upang makamit ang bagong 15-araw na pangangailangang konsumo ng bansa alinsunod sa nakapaloob na probisyon sa inamiyendahang Rice Tariffication Law. | ulat ni Merry Ann Bastasa