Photo courtesy of National Housing Authority
Lumagda ang National Housing Authority (NHA) at Department of Agriculture (DA) sa isang Memorandum of Understanding (MOU) para matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng mga produktong agrikultural sa piling resettlement sites ng NHA.
Pinangunahan mismo nina NHA Gen. Manager Joeben Tai at Agri Sec. Francisco Tiu-Laurel Jr. ang isinagawang paglagda ng kasunduan na layong palakasin ang seguridad sa pagkain at isulong ang sustainability habang tinutugunan ang mga hamon sa sektor ng agrikultura.
Bahagi ito ng KADIWA ng Pangulo (KNP) program na sumusuporta sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na matulungan ang mga magsasaka na direktang maibenta ang kanilang produkto sa mga mamimili.
Sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng mga magsasaka, mangingisda, maliliit na negosyante, at mamimili, nagbibigay ang KADIWA Program ng sariwa at lokal na ani sa abot-kayang presyo.
Binigyang-diin naman ni GM Tai na ang KADIWA ay naging mahalagang bahagi ng bawat NHA People’s Caravan upang matiyak na direktang nakikinabang ang mga komunidad sa mga inisyatiba ng programa. | ulat ni Merry Ann Bastasa