Epektibo mamayang tanghali ay magpapatupad ng temporary toll relief ang North Luzon Expressway (NLEX) Corporation sa northbound portion ng expressway mula Balintawak hanggang Meycauayan.
Ayon sa NLEX, tugon ito sa panawagan ng Department of Transportation (DOTr) dahil sa epekto sa mga motorista ng nangyaring aberya sa Marilao Interchange Bridge.
Mananatili ang toll relief hanggang sa muling mabuksan ang lahat ng lanes sa Marilao northbound.
Una nang naglatag ng traffic plan at zipper lane ang NLEX sa Marilao Northbound at Southbound habang patuloy na kinukumpuni ang tulay.
Nananatili ring naka-deploy sa lugar ang mga patrol at traffic marshal para gabayan ang mga motorista at agad na tumulong sa mga nangangailangan.
Patuloy namang humihingi ng pang-unawa ang NLEX sa publiko habang sinisikap na maibalik ang normal na daloy ng trapiko sa lalong madaling panahon. | ulat ni Merry Ann Bastasa