Ilang linggo bago ang Holy Week o Semana Santa ay pinag-iingat ng New NAIA Infra Corp. ang mga paparating na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport sa mga scam.
Partikular na sa mga nagpapanggap na transport provider o ‘yung mga hindi awtorisadong taxi, ride share, at private vehicle services.
Payo ng NNIC sa mga pahsaero, huwag tanggapin ang mga alok na pribadong masasakyan at tanging mga accredited na taxi at transport services lamang ang tangkilikin na matatagpuan sa arrival curbside ng paliparan o kaya naman ay direktang mag-book ng ride-hailing app sa designated pick-up points sa departure area.
Ayon sa NNIC, kanila nang pinaigting ang pagpapatrolya sa paliparan ganun din ang koordinasyon sa law enforcement agency upang matuldukan ang umano’y scam.
Bagamat hindi tinukoy kung anong uri ito ng scam, ilang beses nang nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad sa NAIA dahil sa mga sasakyan na sobra-sobra maningil ng pamasahe.| ulat ni AJ Ignacio