Ipinagtanggol ni retired AFP Southern Luzon Commander Lt. General Antonio Parlade Jr. si National Security Adviser (NSA) Eduardo Año mula sa mga pagbatikos matapos na arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Parlade, propesyonal na sundalo at walang bahid ang katapatan sa bayan ni Año.
Magkasama aniya silang naging battalion commander sa Southern Tagalog ni Año, at makikita ang hindi matatawaran na katapatan sa bandila ng Pilipinas.
Si Año rin aniya ang nasa likod ng tagumpay ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict kung saan maraming matataas na lider ng komunista ang na-neutralize.
Kabilang dito sina Benito at Wilma Tiamzon, Jorge “Ka Oris” Madlos, Menandro Villanueva, at Antonio Cule, at marami pang iba. Para kay Parlade, hindi patas na akusahang hindi tapat sa dating pangulo si Año, lalo pa’t obligasyon niya na magbigay ng payo sa kasalukuyang gobyerno bilang National Security Adviser.
Kumikilos aniya si Año dahil sa kaniyang tungkulin at hindi sa politikal na paghihiganti.
Giit pa ng retiradong heneral, hindi dapat mawala ang pansin o focus ng publiko sa tunay na kalaban ng mga Pilipino kabilang ang Communist Party of the Philippines o CPP. | ulat ni Merry Ann Bastasa