Labis na ikinatuwa ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino ang ligtas na pag-uwi ng 30 Pilipino na biktima ng human trafficking sa Myanmar.
Alas-3:45 ngayong araw dumating sa bansa ang unang batch ng mga nailigtas na Pilipino at sinalubong ng mga tauhan at opisyal ng Department of Migrant Workers.
Sinabi ng mambabatas na ang kanilang ligtas na pagbabalik ay patunay sa masigasig na pakikipagtulungan ng ating pamahalaan sa pangunguna ng Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, Bureau of Immigration, at ng mga awtoridad sa Myanmar at Thailand.
Ang kanilang pag-uwi sa bansa ay isang mahalaga aniyang hakbang sa pagbibigay hustisya sa kanilang sinapit.
Kasabay nito ay nagpahayag ng suporta si Magsino sa pagpapalawak ng presensya ng mga ahensyang tumutugon sa kapakanan ng ating mga OFW sa Southeast Asia upang mapabilis ang pagtugon at repatriation ng mga nasa panganib.
Diin pa niya na mahalagang palakasin ang ating ugnayan sa mga bansang miyembro ng ASEAN upang mas epektibong labanan ang human trafficking at matiyak ang kaligtasan ng ating mga manggagawa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes