Iginiit ngayon ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) na naaayon sa Bangsamoro Peace Agreement at Bangsamoro Organic Law ang pagpapalit sa liderato ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ang tinuran ni Presidential Peace Adviser, Secretary Carlito Galvez Jr. makaraang mag-host ito ng isang iftar o breaking of the fast para sa 19 base commanders ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), kahapon.

Dito, tinalakay ni Galvez sa mga base commander na bahagi ng nagpapatuloy na normalization program ang pagpapalit sa liderato ng BARMM na nakasalig naman sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
“The change of leadership in the BARMM adheres to both the letter and spirit of the Comprehensive Agreement on the Bangsamoro and the Bangsamoro Organic Law,” wika ni Galvez.
Magugunitang nagsumite ng kaniyang pagbibitiw ang dating BARMM Interim Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., upang tutukan ang nalalapit na kauna-unahang parliament elections sa Oktubre.
Kasunod nito, sinabi ni Galvez na nagpahayag naman ng suporta ang mga naturang base commander ng MILF sa liderato ng bagong Interim Chief Minister na si Abdulraof Macacua. | ulat ni Jaymark Dagala