Palalakasin ng Commission on Elections (COMELEC) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Oplan Baklas sa mga iligal na campaign poster kasabay na rin ng pagsisimula ngayong araw ng kampaniya para sa lokal na halalan.
Kasunod nito, pinaalalahanan naman ni MMDA Chair, Atty. Don Artes ang mga lokal na kandidato na sumunod sa panuntunan na itinakda ng poll body hinggil sa paglalagay ng campaign poster sa non-common poster area.
Binigyang-diin ni Artes, na bawal ang paglalagay ng mga campaign poster sa mga puno at poste ng kuryente kaya’t kanila itong aalisin sakaling makita ng kanilang operating team.
Dagdag pa ng opisyal na hindi rin maglalabas ng special permit ang MMDA para sa mga magkakasa ng motorcade partikular na iyong mga kinakailangang tumawid sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila gaya ng EDSA. | ulat ni Jaymark Dagala