Umabot sa P2.83 bilyon ang halaga ng smuggled na produktong agrikultural ang nakumpiska ng Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement (DAIE) mula sa 71 operasyon noong 2024.
Ito ay mas mataas ng halos isang bilyong piso kumpara sa mga nakumpiska noong 2023.
Kabilang sa nakumpiska ang pinakalamaking kontrabando ng P1.9 bilyong halaga ng imported na bigas sa unang border inspection. Bukod dito, nasamsam din ang P316.4 milyong halaga ng smuggled na isda, pati na rin ang mga puslit na karne, gulay, at iba pang produktong agrikultural mula sa mga cold storage facilities sa Cavite, Bulacan, at Navotas.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., malaking hakbang ang pagpasa ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act upang mas mapatibay ang mga hakbang laban sa smuggling, na nagdudulot ng malaking pinsala sa mga magsasaka at mangingisda.
Patuloy naman ang kampanya ng DA laban sa smuggling ngayong taon, kung saan nakakumpiska na ng P162.7 milyong halaga ng iligal na agri-fishery products sa pakikipagtulungan sa Bureau of Customs at iba pang ahensya ng pamahalaan. | ulat ni Diane Lear